Bumaba ang bilang ng mga nanlalaban at namamatay na drug suspects sa anti-illegal drug operations ng Philippine National Police o PNP.
Inihayag ito ng PNP sa harap ng pangamba ng human rights group na mas maraming mamatay sa operasyon kontra droga kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong SONA na mas magiging “relentless” at “chilling” ang war on drugs.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Senior Superintendent Benigno Durana, batay sa kanilang datos sa nakalipas na dalawang linggo, mula sa limang drug suspek na nanlaban at namatay sa bawat 100 drug operations na kanilang ikinakasa ay bumaba na lamang ito sa isang drug suspect.
Paliwanag ni Durana, kaya mataas ang bilang ng mga namamatay noon ay dahil mismong mga sindikato ang nagpapatayan.
Hinimok naman ng PNP ang publiko na aktibong makiisa sa kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
—-