Umakyat na sa 20 ang bilang ng naputukan ilang araw bago ang bagong taon.
Ayon sa Department of Health (DOH), mula kahapon, araw ng pasko hanggang ngayong araw ay 15 ang naitalang bagong kaso.
Sinabi pa ng DOH na wala namang napa-ulat na nasawi o biktima ng stray bullet.
Ang mga kasalukuyang firework related injuries ay mula sa 61 na DOH sentinel hospitals.
Ipinabatid pa ng kagawaran ang 20 kaso ay kasing dami nang nai-record nuong nakalipas na taon sa sakop na petsa.
11 sa mga biktima ay tinamaan sa mata, anim sa kamay, dalawa sa braso at isa sa likod.
Sa tala pa ng DOH, anim sa mga kaso ay tinamaan ng boga, tig tatlo ang nabiktima ng kwitis at whistle bomb, dalawa dahil sa 5 star, sinturon ni hudas, missile, pa-pap at marami pang iba.
Muli namang nagpaalala ang DOH sa publiko na umiwas sa mga paputok upang makapagdiwang ng kumpleto at ligtas ang buong pamilya.