Dumoble ang naitalang bilang ng mga namamatay dahil sa mga aksidente sa kalsada noong nakaraang taon kumpara noong 2015.
Batay ito sa tala ng Department of Transportation o DOTr kung saan umabot sa 2,144 ang bilang ng nasawi sa mga road accidents sa taong 2016, mas mataas ng 106 percent sa naitalang 1,040 noong 2015.
Nakita rin ang 31 porsyento ng pagtaas sa bilang naman ng mga aksidente sa kalsada mula sa naitalang 24,656 noong 2015 ay umabot sa 32,269 noong nakaraang taon.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary Arnold Fabillar, sadyang nakakaalarma ang nasabing datos ng bigla at malaking pag-angat sa bilang ng mga nasawi dahil sa aksidente sa kalsada.
Giit ni Fabillar, nagsisikap na ang pamahalaan para mabawasan kung hindi man tuluyang maialis ang mga aksidente sa kalsada.
Kabilang aniya sa proyekto para rito ay ang modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan, nakatakdang implementasyon ng bus rapid transit at ang ilulunsad na 2017 Road Safety Comprehensive Plans kung saan target ang zero casualty sa kalsada sa taong 2022.
—-