Umakyat na sa 19 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong Jolina.
Ayon sa NDRRMC, ito’y matapos na madagdagan ng dalawa ang death toll. Sa pagtataya pa ng ahensya, 3 sa kabuuang bilang ang nakumpirma na habang ang 16 naman ay patuloy pang isinasailalim sa validation.
Bukod dito, nakapagtala rin ang NDRRMC ng 24 na sugatan, at 5 indibidwal na patuloy pang pinaghahanap matapos na mawala nang manalasa ang bagyong Jolina kamakailan.
Samantala, nananatili namang nasa 81,077 na pamilya o katumbas ng 313,399 na indibidwal ang apektado ng bagyong Jolina sa mga lugar ng Central Luzon, NCR, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, maging sa iba pang rehiyon.—mula sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)