Pumalo na sa 10 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Karding.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nadagdag sa bilang ang isang nalunod sa Baliwag, Bulacan at isa pa sa Tanay, Rizal.
Dahil sa tala, 10 na ang nasawi sa bansa dahil sa bagyo kung saan una sa tala ang limang rescuers sa San Miguel, Bulacan; dalawa sa Zambales at isa sa Burdeos, Quezon.
Maliban sa mga nasawi, umabot sa walo ang mga nawawala dahil sa bagyo kung saan nadagdag ang; isa sa Antipolo, Rizal; isa sa Patnanungan, Quezon at dalawa sa Mercedes, Camarines Norte.
Batay pa sa ulat ng NDRRMC, nasa 157,023 indibidwal o 39,893 pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa 1,318 barangays sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, at CAR.
Aabot sa kabuuang 37,135 katao o 8,825 pamilya ang nananatili sa 574 evacuation centers, habang 15,759 na mga indibidwal o 3,778 pamilya ang nanunuluyan sa ibang mga lugar.
Nananatiling stranded naman ang 613 passengers, 190 rolling cargoes, limang vessels, at isang motorbanca sa CALABARZON, MIMAROPA, at National Capital Region.
Umabot naman sa kabuuang p5,532,150.18 assistance ang naipagkaloob sa mga apektadong residente sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Bicol, at Cordillera.