Nagpaabot ng pakikiramay si Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa pamilya ng dalawang nasawing pulis matapos na magpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Eleazar na batay sa datos ng PNP Health Service, ang mga nasawi ay pawang mga nabakunahan na ng unang dose ng anti-COVID 19 vaccine.
Si patient 105 ay 25 anyos na may ranggong Patrolman na nakatalaga sa Basic Internal Security Operation Course o BISOC sa ilalim ng Regional Personnel Holding and Accounting Section ng PRO 1.
Nasawi siya nuong Agosto 24 sa Balaoan District Hospital sa La Uion sanhi ng septic shock na dulot ng Pneumonia.
Habang si patient 106 naman ay may ranggong Police Executive Master Sergeant na Deputy Chief of Police sa Masbate Police Provincial Office.
Nasawi siya nuong Agosto 26 sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital sanhi ng Acute Respiratory Distress Syndrome.
Sa kabuuan ay may 34,972 kaso ng COVID-19 sa PNP makaraang madagdagan ito ng 219 bagong kaso kung saan ay 2,022 rito ang aktibo.
Gayunman, nakapagtala pa rin ang PNP ng 215 na bagong gumaling sa sakit, dahilan para umakyat na sa 32,844 ang total recoveries.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)