Lumobo na sa 115 ang bilang ng mga nasawi dahil sa tigdas habang umabot na sa halos 7,000 ang naitalang kaso nito.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, naitala ang mga naturang bilang mula January 1 hanggang February 13 ng kasalukuyang taon.
25 porsyento naman ng mga kaso ng tigdas ay nagmula sa Metro Manila.
Samantala, patuloy pa rin ang pag-iikot at pagmo-monitor ng kalihim sa iba’t ibang lugar kung saan dumarami ang bilang ng kaso ng tigdas.
NDRRMC makikipagtulungan na sa DOH kontra tigdas
Makikipagtulungan na ang NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council sa DOH o Department of Health para mapabilis ang pag-resolba sa lumalalang kaso ng tigdas sa bansa.
Ayon kay NDRRMC spokesman Edgar Posadas, nais ng kanilang konseho na mapabilis pa ang tinatayang dalawa hanggang tatlong buwan pang panahon bago mawala ang malawakang kaso ng tigdas.
Tutulong na aniya sila sa DOH sa pagmomonitor at pagbabantay sa mga naitatalang kaso.
Dagdag pa ni Posadas, tiniyak din naman ng DOH na manageable ang mga naturang kaso.