Nakapagtala ng nasa 40 bilang ng mga nasawi ang iba’t-ibang disaster response units mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP).
Batay iyan sa datos na iniulat ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay sa isinagawang disaster response cluster meeting na isinagawa sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo.
Batay sa datos ayon kay Gapay, 27 ang naitalang nasawi ng PNP, walo sa AFP habang lima naman ang naitala ng BFP mula nitong Biyernes, Nobyembre 13.
Nasa 34 naman ang naitalang bilang ng mga nawawala sa kasagsagan ng bagayo kung saan, 24 ang naitala ng PNP, siyam sa AFP at isa sa BFP na siyang sentro ngayon ng kanilang search and rescue operations.
Pero batay sa opisyal na datos mula sa NDRRMC, nasa 12 lamang ang kanilang naitala kung saan, anim ang nagmula sa Cagayan Valley, lima sa Bicol at isa sa Cordillera.
Paglilinaw ni NDRRMC Spokesman Dir. Mark Timbal, hindi naman nila isinasantabi ang mga numerong iniuulat sa kanila ng AFP, PNP at BFP dahil sila ang mga first responders tuwing may sakuna.
Gayunman, binigyang diin ni Timbal na dumaan sa masusing validation ang kanilang datos mula sa iba’t-ibang ahensya at local government units upang matukoy kung sila’y nasawi dulot ng bagyo.