Pumalo na sa 10 ang namatay sa South Korea bunsod ng malaking alon at malakas na pag ulan na dala ng bagyong Hinnamnor.
Ang Hinnamnor na sinasabing pinakamalakas na bagyong tumama sa South Korea makalipas ang ilang dekada, ay binaha ang mga kalye at gusali nang dumaan ito noong Lunes at Martes.
Hinila naman palabas ang pitong bangkay at dalawang nakaligtas mula sa pagkakalubog sa paradahan sa ilalim ng lupa sa isang apartment complex sa pohang, ayon sa central disaster and safety countermeasures headquarters.
Na-trap naman ang siyam ka-tao matapos magpunta sa parking lot habang malakas na bumuhos ang ulan.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng search and rescue operations habang dalawang tao naman ang naiulat na nawawala ayon sa otoridad.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 4,700 katao ang napilitang lisanin ang kanilang tahanan para sa kanilang kaligtasan.
Nasa 12 libong tahanan at gusali ang nasira habang nasa siyamnapung libong tahanan naman ang nawalan ng kuryente sa South Korea. – sa panulat ni Hannah Oledan