Umakyat na sa 25 ang bilang ng mga nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng pagtaob ng 3 bangka sa Guimaras Strait nasa pagitan ng mga lalawigan ng Ilo-ilo at Guimaras.
Batay sa ulat ng Police Regional Office 6, 12 sa mga ito ay mula sa M/B ChiChi, 13 naman ang nagmula sa M/B Jenny Vince kabilang na ang isang menor de edad.
Aabot naman sa 5 ang nasagip mula sa M/B ChiChi, 20 naman sa M/B Jenny Vince habang nakaligtas naman ang lahat ng 4 na tripolante ng M/B Kezziah.
Samantala, may 6 pang nawawala at kasalukuyan pa ring pinaghahanap sa nagpapatuloy na search, rescue and retrival operations ng pinagsanib puwersa ng AFP, PNP at Philippine Coast Guard.
Magugunitang nangyari ang insidente alas-12:00 ng tanghali kahapon nang lumubog ang mga motorbanca na M/B Kezziah at M/B ChiChi sakay ang 51 mga pasahero at tripolante nito.
Sumunod namang lumubog ang M/B Jenny Vince sakay ang 38 pasahero at mga tripolante nito makalipas ang tatlong oras mula nang mangyari ang unang insidente.
Ayon naman kay NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council Spokesman Mark Timbal, mayroon namang 47 ang naitala nilang nasagip sa malagim na insidente na ngayo’y nabigyan na ng karampatang tulong.
“Nabigyan naman po sila ng karampatang tulong. Na-rescue naman po sila at kasalukuyan po silang ina-asiste po sila ng ating mga kasamahan mula sa Local Government at sa Regional Disaster Management Council” — Pahayag ni G. Mark Timbal, NDRRMC Spokesperson.
(Oh IZ sa DWIZ interview)