Pumalo na sa 172 ang kabuuang bilang ng mga nasawi matapos manalasa ang bagyong Agaton.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ilan sa mga nasawi ay nailibing na habang patuloy pang pinaghahanap ang iba pang nawawala matapos matabunan ng gumuhong lupa at agusin ng rumaragasang mga bato at putik.
Sa pahayag ni Mayor Jose Carlos Cari ng Baybay City, Leyte – kailangang mas paigtingin ang search and retrieval operation dahil marami pa sa mga natabunan ang hindi pa nahahanap hanggang sa ngayon partikular na sa Barangay Mailhi at Kantagnos.
Nabatid na itinigil na ang search and retrieval operation sa ibang mga barangay kung saan, pag-uusapan palang ngayong linggo kung ipagpapatuloy ang paghahanap iba pang nawawala.
Sa ngayon umabot na sa 116 ang bilang ng mga nasawi habang 73 naman ang nawawala sa Baybay City, Leyte, dahil sa bagyong Agaton. —sa panulat ni Angelica Doctolero