Pumalo na sa halos 100 ang bilang ng mga nasawi sa naganap na sagupaan sa pagitan ng Tajikistan at Kyrgyzstan.
Matatandaang nagsimula ang tensiyon ng dalawang bansa dahil sa pinag-aagawang teritoryo.
Ayon sa Tajikistan, 35 sa kanilang residente ang pinatay habang sugatan naman ang nasa 25 indibidwal na kinabibilangan ng mga sibilyan, kababaihan at mga kabataan.
Nabatid na labindalawa sa mga biktima ay pinatay sa drone strike sa isang mosque; anim naman ang pinatay sa isang eskwelahan; habang pito pa ang nasawi makaraang sunugin ang isang ambulansya kung saan, itinuturong suspek sa pagpatay ang mga Kyrgyzstan soldiers.
Samantala, sinabi naman ng Kyrgyzstan authorities na 59 sa kanilang mga residente ang nasawi habang 144 katao naman ang nasugatan sa southern border region sa bayan ng Batken dahilan para ideklara naman sa kanilang bansa ang national mourning day o ang araw ng pagluluksa.
Nabatid na ito na ang pinakamalalang karahasan na naitala sa nasabing mga bansa matapos ang matagal na panahon kung saan, nanawagan na sa publiko ang international community na itigil na ang putukan at manatiling kalmado.