Nadagdagan pa ang bilang ng mga biktimang nasawi sa Japan bunsod ng pananalasa ng Typhoon Nanmadol.
Ayon sa Japanese Government, umakyat na sa apat na indibidwal ang namatay habang 114 naman ang sugatan dulot ng bagyo na nagresulta ng flashflood at mudslide.
Ayon sa mga otoridad, apektado ang four main island sa Japan na binubuo ng Kyushu, Honshu, Hokkaido, at Shikoku kung saan, pumalo na sa siyam na milyong katao ang inilikas at nananatili parin sa evacuation centers.
Bukod sa nabanggit na mga lugar, nakaranas din ng pagbaha at pagragasa ng mga putik at bato ang Tokyo maging ang mga Lungsod ng Kagoshima, Oita, Miyazaki, Kumamoto, Yamaguchi, maging ang Chugoku regions.
Samantala, pumalo naman sa 350,000 na mga kabahayan ang nawalan ng kuryente matapos magtumbahan ang mga poste at mga puno habang naantala din ang mga negosyo, serbisyo at biyahe sa mga paliparan at pantalan.
Sa ngayon, patuloy pang nagsasagawa ng operasyon ang mga otoridad bunsod ng epekto ng Typhoon Nanmadol.