Umakyat na sa siyam ang bilang ng nasawi sa insidente ng pamamaril sa Kabacan, North Cotabato na naganap kahapon.
Ito ang kinumpirma mismo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) government matapos namang masawi ang nag-iisa sanang nakaligtas sa insidente habang ginagamot sa ospital.
Sa ipinalabas na pahayag ng BARMM government, kanilang kinondena ang pagmasaker sa siyam na biktima at nangakong magsasagawa ng independent investigation sa insidente.
Ayon sa BARMM, walang lugar sa isang progresibong lipunan ang naturang walang saysay na pagpatay lalu na sa panahong nahihirapan ang lahat sa nararanasang pandemic.
Bagama’t anila nangyari ang pagpatay sa labas ng BARMM, natukoy naman ang lahat ng mg mga biktima bilang mga Bangsamoros.
Batay sa ulat ng pulisya, hinarang ang mga biktima ng mga hindi pa nakikilalang armadong mga lalaki habang nasa aringgay road malapit sa University of Southern Mindanao at nang bumaba na ang mga ito sa kanilang motorsiklo ay pinagbabaril na ang mga ito.