Kinumpirma ng Local Government Unit (LGU) na umakyat na sa 36 ang bilang ng mga nasawi sa Baybay City, Leyte bunsod ng pananalasa ng bagyong Agaton.
Ayon sa Lokal na Pamahalaan, posible pang madagdagan ang bilang ng mga nasawi dahil patuloy paring nakakaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa sa nabanggit na lugar bunsod ng walang tigil na pag-ulan.
Kabilang sa mga lugar na nakaranas ng pagguho ng lupa ang Barangay Bunga kung saan, anim sa 18 natabunan ang narekober habang patuloy pang pinaghahanap ang iba pa.
Nagkaroon din ng landslide sa Barangay Kantagnos sa Baybay City at ilang bahagi ng Jaro, Leyte makaraang umapaw ang tubig sa Cabayongan River.
Nasira naman ang dalawang tulay sa munisipalidad ng Inopacan habang apektado ang suplay ng malinis na tubig sa Silago, Southern Leyte matapos masira ang water system sa Barangay Imelda dahil sa landslide.
Nareskyu naman ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga residenteng na-trap sa kani-kanilang mga bahay sa Abuyog at Tacloban City, Leyte.
Nanawagan naman ang mga apektadong pamilya sa mga nabanggit na lugar na sana ay maabutan sila ng pagkain, maiinom na tubig, damit at mga gamot.
Sa ngayon, isinailalim na sa State of Calamity ang Baybay, Leyte dahil sa bagyong Agaton. —sa panulat ni Angelica Doctolero