Nabawasan ng 60 porsyento ang mga nasawi sa malarya sa buong mundo mula noong 2000.
Subalit, posible umanong maitala ang mahigit 200,000,000 kaso nito ngayong taon at maaaring kumitil sa buhay ng halos kalahating milyon katao.
Ayon kay Margaret Chan, Director-General ng World Health Organization o WHO, ang pagkaka-kontrol sa malarya ay isa sa mga magagandang health success stories sa nakalipas na 15 taon.
Sinabi ni Chan na isa sa mga dahilan nito ay ang pag-unlad ng diagnostic tests at malawakang pamamahagi ng mga kulambo na nagpababa nang husto sa bilang ng mga nadadapuan ng naturang sakit.
Matatandaan na noong taong 2000 ay nakapagtala ang WHO at United Nations ng mahigit 260,000,000 kaso ng malarya kung saan mahigit 800,000 katao ang namatay.
By: Jelbert Perdez