Umabot na sa apat ang death toll sa naganap na pamamaril sa dalawang paaralan sa Brazil matapos masawi ang isang guro na nasugatan mula sa pag-atake ng 16-anyos na suspek.
Ayon sa mga otoridad ng Aracruz sa Espirito Santo State, 10 sa mga nasugatan, kabilang ang tatlong guro at isang estudyante, ang nasa malubhang kalagayan matapos ang insidente.
Nabatid na ang suspek ay dating estudyante ng pampublikong paaralan na unang tinarget nito, kung saan pinagbabaril nito ang ilang mga guro doon, na ikinasawi ng dalawa katao at siyam ang nasugatan.
Sumunod naman itong nagtungo sa kalapit na pribadong paaralan kung saan namatay sa naganap na pamamaril ang isang babae.
Agad namang nadakip ng mga otoridad ang suspek na nahaharap sa kasong Murder at Attempted Aggravated Murder.
Samantala, nagdeklara naman si Governor Renato Casagrande ng tatlong araw na pagluluksa para sa mga biktima ng pag-atake sa Espirito Santo State.