Pumalo na sa 172 indibidwal ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng bagyong Agaton.
Batay sa pinakabagong datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 156 dito ay mula sa Eastern Visayas; 11 mula sa Western Visayas; 3 sa rehiyon ng Davao at dalawa sa Central Visayas.
Maliban dito, 110 pa rin ang nananatiling nawawala kung saan 104 dito ay mula sa Eastern Visayas, lima mula sa Western Visayas at isa mula sa Davao Region.
Sa ngayon, aabot na sa 2,015,643 o katumbas ng 583,994 na pamilya ang naapektuhan ng paghagupit ng bagyong Agaton na mula sa mga lugar ng Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN, Caraga, at BARRM. — sa panulat ni Abie Aliño