Sumampa na sa 91 ang bilang ng mga nasasawi dahil sa COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police o PNP matapos madagdagan ito ng dalawa .
Ito’y ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ay batay na rin sa isinumiteng datos sa kaniya ng PNP Health Service .
Si patient 90 ay ang 49 anyos na Police Captain mula sa Northern Mindanao habang si patient 91 naman na nasawi rin sa COVID-19 ay isang 51 anyos na Police Executive Master Sergeant na nakatalaga naman sa CALABARZON.
Agosto 5 nang masawi si patient 90 matapos bumaba ang kaniyang oxygen level mula nang makaranas ng ubo at lagnat ng mahigit sa isang linggo kaya’t isinailalim pa sa chest tube thoracostomy.
Agosto 9 naman nang ma-admit sa ospital si patient 91 dahil sa mga sintomas ng COVID-19, subalit nasawi rin makalipas ang dalawang araw dahil din sa hirap sa paghinga.
Sa kabuuan, nasa 32,364 ang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa PNP kung saan, 1,959 dito ang aktibong kaso subalit hindi naman nalalayo rito ang bilang ng mga gumaling sa sakit na nasa 30,314.
Samantala, pumalo na sa 77,735 o 35.05% mga pulis ang bakunado na kontra COVID-19 kung saan, 90,230 o 40.68% ang nakakuha na ng unang dose habang nasa 53,817 or 24.27% ang hindi pa natuturukan ng bakuna.—sa panulat ni Drew Nacino