Umaabot na sa mahigit 1,500 mga indibiduwal ang naisalang na sa test ng libreng drive-thru coronavirus disease 2019 (COVID-19) test ng lungsod ng Maynila, magmula ng simulan ito noong Miyerkules.
Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, 1,048 sa nabanggit na bilang ay mga residente ng lungsod.
Habang 528 ang nagmula naman sa mga karatig na lungsod at munisipalidad.
Dagdag ni Moreno, 1,236 sa mga naisalang sa drive thru testing ang nagnegatibo habang 174 ang nagpositibo.
Pagtitiyak pa ni Moreno, bukas at libre para sa lahat ang dalawang drive thru testing centers ng lungsod sa Lawton na kayang mag-accommodate ng 200 indibiduwal kada araw at sa Quirino Grandstand na kaya namang mag-test ng 700 kada araw.