Aminado ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na batid nila ang sitwasyon gayundin ang mga hamon sa pangangampaniya ngayong umiiral pa rin ang COVID-19 pandemic.
Pero tiniyak ni DILG Sec. Eduardo Año na mahigpit nilang binabantayan ang mga campaign activities ng mga kandidato kung nasusunod ang health protocols kontra COVID-19.
Sa ulat ni PNP Deputy Chief for Operations at Commander ng Task Force on National and Local Elections, P/LtG. Ferdinand Divina ay aabot sa 4,083 ang naitala nilang paglabag sa health protocols sa panahon ng halalan.
Kabilang aniya sa mga paglabag na kanilang naitala ay ang hindi pagsusuot ng facemask, kawalan ng physcial distancing at mass gathering.
Marami aniya sa mga lumabag ay pawang mga suporter na binigyan ng balala, napatawan ng parusa at pinag-community service habang wala namang kandidato ang napanagot.
Pinakamarami sa mga naitalang paglabag ay sa Region 12 o SOCCSKSARGEN, sinundan naman ito ng Cordillera Administrative Region at Region 7 o Central Visayas. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)