Umaabot na sa 569 na pamilya o 2,788 na katao ang inilikas sa Tandag Sports Complex sa Surigao del Sur dahil sa kaguluhan doon.
Ayon kay Department of Social Welfare & Development o DSWD Secretary Dinky Soliman namahagi na ng relief assistance ang pamahalaang panlungsod at panlalawigan na umaabot na sa 940,064 food packs na galing sa DSWD, lokal na pamahalaan at mga Non-Government Organization.
Sa ngayon aniya, nabigyan na ng food packs ang 569 na pamilya.
Patuloy din ang pamamahagi ng tubig ng Tandag City Water District habang nagbibigay naman ng medical consultation ang Department of Health, Provincial Health at City Health Office.
Namahagi din ang lokal na pamahalaan ng financial assistance na nagkakahalaga ng tig-P30,000 pesos sa mga apektadong pamilya ng mga biktima.
Sinabi din ni Soliman na handa ang DSWD sakaling tumagal pa ang kaguluhan.
“Ngayon po ang mahalaga ay tuluy-tuloy ang pagbibigay ng pagkain, pero maganda po na meron silang hawak na pera para meron din po silang choice ika nga kung ano ang gusto nilang kainin, dahil sa ngayon po ay wala silang dala dahil lumipat sila ng madalian.” Paliwanag ni Soliman.
By Mariboy Ysibido | Ratsada Balita