Tumaas ang bilang ng mga nabiktima ng common crimes sa huling bahagi ng 2018.
Batay sa survey ng Social Weather Stations o SWS, nasa 7.6 percent o katumbas ng 1.8 milyong pamilyang Pilipino ang nabiktima ng mga krimeng gaya ng pandurukot, panloloob, carnapping at pananakit.
Mas mataas ito ng 1.5 puntos kumpara sa 6.1 percent o 1.4 na milyong pamilyang nabiktima ng krimen nuong Setyembre ng nakaraang taon. Nananatiling maraming nabibiktima ng krimen sa Metro Manila na nasa 10 percent na sinundan ng Mindanao na may 8.3 percent habang ang Visayas ay may 2.5 percent.
Samantala, tumaas din ang bilang ng mga Pinoy na nangangambang pasukin ng mga magnanakaw ang kanilang bahay na nasa 61 percent. Mas mataas ito kumpara sa 52 percent noong ikatlong bahagi ng 2018.
Pinakamataas ang pangambang malooban ang kanilang bahay ang mga taga Metro Manila na nasa 66 percent; sinundan ng Visayas na nasa 64 percent; balance luzon na nasa 63 percent habang nasa 52 percent naman ang Mindanao.
Lumilitaw rin sa survey na tumaas ang bilang ng mga nangangambang maglakad sa mga kalsada tuwing gabi na nasa 54 percent mula sa 46 percent noong Setyembre ng 2018.
Ang naturang survey ay isinagawa noong Disyembre 16 hanggang 19.