Inihayag ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na aabot sa 221 ang bilang ng mga pasaherong nastranded sa mga terminal bunsod ng bagyong Lannie.
Ito ay matapos kanselahin ang operasyon ng 12 pantalan habang mayroon ding 100 rolling cargoes at tatlong barko ang sinuspinde.
Samantala, inihayag naman ng Philippine Coast Guard na limang vessel pa ang nastranded sa Palawan dahil sa bagyong Lannie.
Bukod pa dito, ilang mga residente din ang apektado sa Western Visayas kung saan, nasira at nalubog ang ilang mga kalsada maging ang mga barangay na nasa mga bundok matapos magkalandslide dahil sa pagbaha.
Umakyat naman sa mahigit anim na metro ang lebel ng tubig sa Jalaur River sa Pototan, Iloilo habang nalubog naman sa baha ang ilang barangay sa bayan ng Zarraga, Iloilo.
Sa ngayon, patuloy na minomonitor ng NDRRMC ang galaw at kilos ni bagyo habang binalaan narin ang mga residente na nasa low-lying areas na itinuturing na catch basin ng tubig baha dahil sa tubig na nanggagaling sa mga bundok. —sa panulat ni Angelica Doctolero