Patuloy ang paglobo ng bilang mga pasyenteng may leptospirosis sa ilang ospital sa Metro Manila.
Sa National Kidney and Transplant Institute o NKTI sa Quezon City, isandaan at dalawang (102) pasyente na ang isinugod kung saan halos limampu (50) pa ang nananatiling naka-confine.
Sa mahigit isandaang (100) dinala sa NKTI, labinlima (15) sa mga ito ang namatay noon lamang Hunyo.
Mahigit dalawampu (20) naman ang isinugod sa East Avenue Medical Center kaya’t nagsilbing ward ng mga leptospirosis patients ang 5th floor ng ospital.
Sa San Lazaro Hospital sa Santa Cruz, Maynila, tatlumpu’t limang (35) pasyente ang nagpakita ng sintomas ng leptospirosis subalit dalawang kaso pa lamang ang kumpirmado.
Siyam na pasyente naman ang under observation sa Jose Reyes Memorial Medical Center dahil din sa mga sintomas ng sakit.
Sapat ang gamot
Tiniyak ng National Kidney Transplant Institute sa Quezon City na may sapat silang pasilidad at supply ng gamot sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng leptospirosis ngayong “peak season” ng tag-ulan.
Ayon kay NKTI Director, Dr. Rose Marie Liquete, nasa apatnapung libo (40,000) supply ng doxycyline sa kanilang ospital at mayroon din silang outpatient department para sa mga pasyenteng may leptospirosis.
Mayroon din anya silang sapat na supply ng gamot para sa iba pang malalang sakit.
Simula Hunyo 22 hanggang 27, walong (8) leptospirosis patient na ang namatay sa NKTI.
—-