Nadagdagan ang bilang ng mga pamilyang Pilipinong nakaranas ng “involuntary hunger” o gutom ngayong buwan.
Ito ay batay sa resulta ng inilabas na survey ng Social Weather Stations, kung saan naitala ang 27.2% hunger rate ngayong Marso, na mas mataas kumpara sa 21.2% nitong Pebrero.
Sa naitalang 27.2% na hunger rate, 21% ang nakaranas ng moderate hunger, habang 6.2% naman ang nakaranas ng severe hunger.
Ayon sa sws, ito ang pinakamataas na hunger rate na naitala mula noong COVID-19 lockdowns noong September 2020, na umabot sa 30.7%.
Nagmula sa Visayas ang pinakamaraming bilang ng mga pamilyang pilipinong nakaranas ng gutom, na sinundan ng Metro Manila, Mindanao, at Balance Luzon.
Isinagawa ang nasabing survey noong March 15 hanggang 20 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,800 na Pilipinong nasa edad 18 pataas. —sa panulat ni John Riz Calata