Nabawasan ang mga walang trabaho sa unang tatlong buwan ng 2017 batay sa survey na isinagawa ng SWS o Social Weather Stations.
Bumaba sa 22.9 percent o katumbas ng mahigit sampung (10) milyong kwalipikadong manggagawa ang walang trabaho sa unang tatlong (3) buwan ng taon.
Mas mababa ito ng 2.2 percent o mahigit labing isang (11) milyong kwalipikadong manggagawa na walang trabaho mula Oktubre hanggang Disyembre ng 2016.
Gayunman, bumagsak naman ang pagiging positibo ng mga kwalipikadong manggagawa pagdating sa paghahanap ng trabaho.
Ayon sa survey ng SWS, pumalo sa 44 percent ang mga naniniwala na mas maraming trabaho ang malilikha sa susunod na isang taon kumpara sa 48 percent nitong huling bahagi ng 2017.
Labor day job fairs
Samantala, mahigit sa limampung (50) job fairs ang sabay-sabay isinasagawa sa iba’t ibang panig ng bansa ngayong Labor Day.
Mahigit sa dalawandaang libong (200,000) mga trabaho ang iniaalok sa TNK o Trabaho, Negosyo, Kabuhayan na nilalahukan ng mahigit sa isang libong (1,000) employers na kinabibilangan ng walong (8) ahensya ng pamahalaan, mahigit sa walong daang (800) lokal na kumpanya at mahigit sa dalawandaang (200) kumpanya sa ibayong dagat.
Pinakamaraming bukas na trabaho ang para sa production machine operators, customer service representatives at pulis.
Pinaka in-demand naman para sa ibayong dagat ang mga laborers, cleaners, service crews, electricians, nurses at factory workers.
Ayon kay Labor Assistant Secretary Alex Avila, batay sa kanilang karanasan, isa (1) sa bawat limang (5) aplikante ang karaniwang hired on the spot.
By Len Aguirre
Bilang ng mga Pilipinong walang trabaho bumaba—SWS was last modified: May 1st, 2017 by DWIZ 882