Patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa pinakahuling labor force participation survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba pa sa 3.6% ang unemployment rate sa bansa noong November 2023, mula 4.2% noong November 2022 at October 2023.
Batay sa ulat ng PSA, mula 2.09 million noong October 2023, bumaba na sa 1.83 million ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.
Ibig sabihin nito, umabot sa 96.4% ang employment rate noong November 2023. Mas mataas ito sa 95.8% rate noong November 2022 at October 2023.
Ayon kay National Statistician Dennis Mapa, ang naitalang unemployment rate sa Nobyembre noong nakaraang taon ang pinakamababa sa loob ng 18 years. Record-breaking din ang naitalang employment rate sa kaparehong panahon na pinakamataas naman mula noong April 2005.
Ayon sa PSA, ang mga sumusunod na industriya ang nagkaroon ng pinakaraming nadagdag sa mga manggagawa mula November 2022 hanggang November 2023.
- Agriculture and forestry
- Construction
- Transportation and storage
- Fishing and aquaculture
- Administrative and support service activities
Upang patuloy ang pagpasok ng mga dekalidad na trabaho para sa mga Pilipino, nananatiling nakatutok ang administrasyong Marcos sa pagpapabuti ng investment climate ng bansa, ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan. Sinabi rin niyang kailangang palawakin ng bansa ang digital economy, kabilang na ang digitalization ng Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) at startups upang mapataas ang labor market gains sa 2024 at sa mga susunod na taon.
Para kay Bulacan 6th District Rep. Salvador Pleyto, pinakamahalaga ang job figures sa lahat ng economic indicators dahil magiging makabuluhan lang ang paglago ng ekonomiya kung kasabay nito, marami rin ang nalikhang trabaho.
Pangako naman ng administrasyong Marcos, ipagpapatuloy nila ang pagsisikap upang magkaroon ng mas mahusay na job quality ang labor force ng Pilipinas.