Tumaas pa ang net satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa huling quarter ng taon.
Sa 4th quarter 2018 ng Social Weather Station, lumabas na 74 na porsyento ng mga respondent ay satisfied sa performance ng pangulo, mas mataas ito kumpara sa 70 porsyentong naitala noong Setyembre.
11 porsyento naman ang undecided habang 14 na porsyento ang dissatisfied.
Dahil dito, umabot sa plus 60 o very good ang net satisfaction rating ni Pangulong Duterte na mas mataas kumpara sa plus 54 na net satisfaction rating noong third quarter.
Ngunit sa kabuuan, tinukoy ng SWS na mayroong 5 point drop sa 2018 annual average net satisfaction score ng pangulo na umabot sa plus 54 na average kumpara sa plus 59 average na naitala noong 2017.
Palasyo, ikinatuwa ang mataas na net satisfaction rating ng Pangulo
Ikinatuwa ng Malakanyang ang resulta ng survey ng Social Weather Stations kung saan 74 na porsyento ng mga Pilipino ang kuntento sa trabaho ni Pangulong Rodrigo Duterte sa huling bahagi ng 2018.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, sampal ang naturang survey sa lahat ng mga kritiko ng Pangulo.
Binigyang diin ng kalihim na nagbibigay lamang ng matinding mensahe ang patuloy na pagsuporta ng mga Pilipino sa Pangulo na dapat nang tigilan ng mga human rights group ang mga walang basehang mga akusasyon laban sa Pangulo.
Sa kabila nito, tiniyak ng Palasyo na ipagpapatuloy ng pangulo ang mga nasimulan nito gaya ng paglaban sa anumang uri ng kriminalidad at korupsyon.