Mahigit kalahating milyong Pilipino na ang naisailalim ng pamahalaan sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing sa buong bansa.
Iyan ang inanunsyo ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez sa kaniyang virtual presser kagabi.
Sinabi ni Galvez na naabot na rin ng pamahalaan ang record high na 15,000 naisailalim sa actual testing sa isang araw nuong Hunyo 16.
Kasunod nito, sinabi ng kalihim na asahan pang may darating na mahigit dalawandaang libong RT-PCR test kits na kaya namang makapagtest ng mahigit 8-milyong indibiduwal.
Maliban dito, bumili rin ang pamahalaan ng mahigit 15,000 test kits na kayang makapagsuri sa mahigit 1.2-milyong indibiduwal.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Galvez ay mayruon nang 46 na certified RT-PCR laboratories at 16 na genexpert laboratories ang tumatakbo sa buong bansa.