Bahagyang bumaba ang bilang ng mga Pilipinong naniniwalang bumuti ang kanilang pamumuhay sa nakalipas na 12 buwan sa ikatlong bahagi ng 2019.
Batay ito sa Survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan 36% ng mga adult Filipino ang nagsabing gumanda ang kasalukuyan nilang pamumuhay kumpara sa nakaraang isang taon.
Katumbas anila ito ng net gainers score positive 11 na mababa naman sa naitalang positive 13 noong Hunyo.
Sa kaparehong survey ng SWS, lumabas na 46% ng mga Pilipino ang positibo na gaganda ang kanilang pamumuhay sa susunod na isang taon habang 5% ang naniniwalang mas lalala ito.
Katumbas naman ito ng positive 41 net personal optimists na isang puntos na mababa sa naitalang positive 42 noong Hunyo.
Nagkaroon din ng pagbaba sa bilang mga Pilipinong naniniwalang bubuti ang ekonomiya ng Pilipinas sa susunod na 12 buwan.
Ayon sa SWS, 41% ng mga Pilipino ang nagsabing tiwala silang gaganda ang ekonomiya ng bansa sa susunod na taon o katumbas ng net economic optimist score na positive 28, mababa mula sa positive 33 noong Hunyo.
Isinagawa ng SWS ang survey mula Setyembre 27 hanggang Setyembre 30 sa pamamagitan ng face-to-face survey sa mga 1,800 adult respondents sa buong bansa.