Bumaba na sa 9 na lamang ang mga Pilipino sa Hong Kong na nasa ospital dahil sa COVID-19.
Sa inilabas na anunsyo ng Philippine Consulate General sa Hong Kong, napag alamang apat na babae at limang lalakeng Pinoy pa ang nananatili sa iba’t-ibang ospital sa Hong Kong.
Tiniyak ng konsulado na ibinibigay sa mga Pilipino ang lahat ng ayuda na kanilang kailangan.
Patuloy ang apela ng konsulado sa Filipino community sa Hong Kong na huwag maging kampante at manatili na lamang sa loob ng bahay at sundin ang mga ipinaiiral na panuntunan tulad ng pagbabawal sa mass gathering ng apat katao pataas sa mga pampublikong lugar.
Iginiit rin ng konsulado na dapat irespeto ng mga employer ang rest day ng mga empleyado na mas nais na manatili sa loob ng bahay.