Pumalo na sa kabuuang 1,044 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y makaraang madagdagan ng 38 ang bilang ng mga pulis na nagpopositibo sa virus mula ala sais kagabi, Hulyo 10.
Ayon sa PNP Public Information Office, 32 rito ay nagmula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at apat sa Police Regional Office 7 o Central Visayas PNP.
Habang tig isa naman ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa National Headquarters sa Kampo Crame at Police Regional Office 4-A o Calabarzon PNP.
Mula naman sa 455 mga tinatawag na recoveries o nakalaya mula sa virus, umakyat naman ito sa 462 habang nakapako sa 9 ang bilang ng mga nasawi
Samantala, nasa 1,364 ang mga inilagay sa suspected COVID-19 cases sa hanay ng PNP habang nasa 651 naman ang inilagay sa probable cases.