Umakyat na sa 19 ang kabuuang bilang ng mga pulis na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, pinakahuli sa mga nadagdag na kaso ang isang 31 anyos na babaeng pulis mula Laguna.
Gayundin ang 41 anyos na lalaking pulis mula Cavite, at 45 anyos na babaeng pulis mula Batangas.
Dagdag ni Banac, dalawang pulis na rin ang naitalang nakarekober sa COVID-19 habang dalawa na rin ang nasawi.
Nakapagtala na rin ang PNP Health Service ng 280 pulis na itinuturing na persons under investigation (PUIs) at 1,331 persons under monitoring (PUM).
39 sa mga PUIs na pulis ang sumasailalim sa mandatory self-quarantine sa Kiangan Billeting Center sa loob ng Kampo Krame —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9).