Kasalukuyang naka-quarantine ang nasa 22 mga pulis mula sa Tuguegarao City Police Station sa lalawigan ng Cagayan Valley.
Ito’y makaraang madagdagan ng 15 ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 mula sa nasabing himpilan kabilang na ang hepe nito na si P/Col. Jonalyn Tecbobolan.
Ayon kay Police Regional Office 2 Director P/Bgen. Crizaldo Nievez, pansamantalang pinalitan ang mga nasabing pulis Tuguegarao ng mga tauhan mula sa Cagayan Valley Provincial Police Office.
Pawang mga asymptomatic aniya ang mga nabanggit na pulis pero naka-isolate ang mga ito sa Cagayan Valley Medical Center at ang iba naman ay nasa Gusi National Highschool.
Agosto 17 pa aniya naka-lockdown ang nabanggit na himpilan ng pulisya kung saan, isinasailalim ito sa disinfection kaya’t nagpapatuloy pa rin ang operasyon nito.
Kinumpirma rin ni Nievez na may mga detenido ring tinamaan ng COVID-19 sa nabanggit na himpilan subalit mino-monitor naman ito ng provincial at city health office gayundin ng regional office ng PNP sa lugar.