Balik eskwela na ngayong araw ang may 24 na milyong mag-aaral.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, 13 milyon dito ay nasa elementarya habang 11 milyon ang nasa high school.
Kumpiyansa si Luistro na handang handa ang may 46,000 paaralan sa pagbubukas ng klase ngayong araw.
Sinabi ni Luistro na malaki ang naitulong ng Brigada Eskwela sa mga mag-aaral at mga magulang na sinimulan dalawang linggo bago ang pasukan.
Mga reklamo
Nananatiling bukas ang command center ng Department of Education (DepEd) para tumanggap ng mga reklamo at concerns kaugnay sa pagbubukas ng klase ngayong araw na ito.
Subalit ipinabatid sa DWIZ ni Education Assistant Secretary for Planning Jesus Mateo na halos 200 concerns na ang natanggap nila hanggang kahapon kumpara noong isang taon na nasa 700 reklamo.
“Pababa ng pababa yung mga nakukuha nating mga isyu at concerns, unang-una na dito pag-transfer from private to public, kasama na din yung pag-transfer from one area to another pero both public.” Ani Mateo.
Ipinabatid pa ni Mateo na taun-taon ay tumataas ang enrolees dahil sa mga drop out na nagbabalik eskuwela rin at tuluy-tuloy pa rin ang enrolment hanggang sa ikalawang linggo Hunyo.
“Tuluy-tuloy naman pero kung tutuusin talaga dapat di natin payagan na lagi na lang, extreme cases lang halimbawa yung family lumipat from one region to another.” Paliwanag ni Mateo.
By Judith Larino | Ralph Obina | Ratsada Balita