Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong sumusuporta sa pagpapanumbalik ng parusang bitay.
Batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, pumalo sa 67 percent ang nagpahayag ng suporta sa death penalty na mas mababa ng labing apat (14) na porsyento kumpara sa 81 percent noong nakaraang taon.
Dalawampu’t limang (25) porsyento naman ng respondents ang tutol sa death penalty samantalang wala namang posisyon ang walong (8) porsyento ng mga Pinoy.
Isinagawa ang naturang survey mula March 15 hanggang 20 sa may isanlibo dalawandaang (1,200) respondents.
Death penalty bill
Samantala, kumpiyansa ang Malacañang na tuluyang makalulusot sa dalawang (2) kapulungan ng Kongreso ang panukalang ibaling ang parusang bitay.
Ayon kay Presidential spokesperson Ernesto Abella, susi ang death penalty upang makamit ng Pilipinas ang pagiging drug free na bansa.
Binigyang diin ng Palasyo na ang pagbabalik ng parusang kamatayan ang pinakamahalagang elemento para magkaroon ng matatag na gobyernong mangangalaga sa mga mamamayan lalo na sa mga kabataan laban sa kriminalidad at iligal na droga.
Sa kasalukuyan, lusot na sa kamara ang death penalty bill pero nakabinbin pa ito sa Senado.
By Ralph Obina
Photo: Amnesty International