Nanawagan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamahalaan at Kongreso na payagan silang madagdagan ng 20,000 ang kanilang hanay.
Ipinaliwanag ni AFP Spokesman Brig. General Restituto Padilla na kulang na kulang ang kabuuang bilang ng mga sundalo na nasa 125,000 para tiyakin ang seguridad ng milyon-milyong Pilipino.
Ang naturang bilang ng mga sundalo ay buhat pa nang matapos ang ikalawang digmaang daigdig at di na muling nadagdagan pa.
Dahil dito, marapat lang ayon kay Padilla na maamyendahan ang National Defense Act.
“Hindi po basta-basta puwedeng magdagdag dahil sa isyu ng suweldo na ibibigay sa ating mga sundalo, ang sahod po ay approved ng Kongreso sa ilalim ng General Appropriations Act, kung tayo’y magdadagdag ng tauhan, dapat pong magdagdag ng kaukulang budget para may pangpa-suweldo po tayo sa mga ire-recruit natin.” Ani Padilla.
Una rito, inamin ng AFP na wala silang sapat na bilang upang protektahan ang mga tore ng National Grid Corporation na target ngayon ng mga pambobomba sa Mindanao.
“Sa dami po kasi nito, sa lawak ng lugar na sinasakop ng pinaglalagyan ng mga toreng yan ay hindi po talaga mababantayan ang bawat isang poste, nabatid din po namin kamakailan na may mga ugnayan din po itong pambobomba sa mga issues tungkol sa upa at arrangements ng mga kinatatayuan ng mga tore na yan sa mga nagmamay-ari ng lupa, yan po ang isa sa mga bagay na tinitignan ngayon ng NGCP, at kung saan tumutulong din po ang pulis.” Pahayag ni Padilla.
By Ralph Obina | Karambola