Pumalo na sa mahigit 62,000 na dengue cases ang naitala ng Department of Health sa buong bansa.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, lumalabas sa kanilang record na umabot na sa kabuuang 62,632 ang nagkasakit ng dengue sa nakalipas na ilang buwan.
Tumaas aniya ito ng dalawang porsyento kung ikukumpara noong nakaraang taon na umabot lamang sa 61,000 dengue cases ng kaparehong panahon.
Pahayag ni Duque, malaking bilang aniya sa mga dinapuan ng sakit na dengue ang mula sa Ilocos Norte ngunit hindi pa aniya kumpleto ang data na kanyang hawak ukol dito.
Sa ngayon aniya, nagpapatupad na ng mga preventive measures ang mga local government units upang mapigilan ang dengue outbreak sa kani-kanilang nasasakupan.
Dagdag ni Duque, posibleng isailalim sa state of calamity ang ilang lalawigan upang ma-i-release ang kanilang calamity funds na gagamitin.