Patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang makikita sa pinakahuling Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan lumabas na 3.5%, o katumbas ng 1.8 million Filipinos, ang unemployed o walang trabaho nitong February 2024.
Mas mababa ito kumpara sa 2.15 million unemployed Filipinos noong January 2024.
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), nananatiling matatag ang administrasyon ni Pangulong Marcos sa pagbibigay ng prayoridad sa mga polisiyang nakasentro sa kapakanan ng publiko.
Patuloy ring nagsisikap ang pangulo sa pagkalap ng investments mula sa kanyang foreign trips.
Ang mga ito ang dahilan kung bakit patuloy ang pagbuti ng labor market ng Pilipinas. Nakatutulong din ang mga hakbang na ito upang magkaroon ng mas mataas na sahod mula sa mas magandang trabaho ang mga Pilipino.
Sa katunayan, sa kaparehong survey ng PSA, lumabas na bumaba rin ang underemployment rate sa 12.4% mula sa 12.9% noong Pebrero 2023.
Sa patuloy na pagsisikap ng administrasyong Marcos upang magkaroon ng mas marami at dekalidad na trabaho ang mga Pilipino, inaaasahang patuloy ring uunlad ang buhay ng bawat pamilya.