Nadagdagan pa ng 2 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa unang tatlong buwan ng 2016.
Ayon sa SWS o Social Weather Stations, ito na ang pinakamalaking bilang ng mga walang trabaho mula noong 2014.
Sa survey ng SWS, pumalo sa 23.9 percent ang unemployment rate sa unang bahagi ng taon o katumbas ng 11 milyon katao kumpara sa 21.4 percent mula Oktubre hanggang Disyembre ng 2015 o katumbas ng 9.1 milyon katao.
Kabilang sa mga walang trabaho mula Enero hanggang Marso ng taong ito ay ang halos 6 na milyon katao na kusang umalis o nag-resign sa kanilang trabaho, 3.3 milyon ang tinanggal sa trabaho samantalang ang 1.8 milyon ay mga first time job seekers.
Sa bilang ng mga nawalan ng trabaho, 5.6 percent ang hindi na na-i-renew ang kontrata, isang porsyento ang tinanggal at meron ding mga nawalan ng trabaho dahil nagsara ang kanilang kumpanya.
Isinagawa ang survey ng SWS mula March 30 hanggang April 2 sa may 1,500 respondents, nationwide.
Still hopeful
Nananatiling mataas ang pag-asa ng mga Pilipino na makakahanap sila ng trabaho sa susunod na isang taon.
Ayon sa Social Weather Stations o SWS, sa kabila ito ng paglobo ng unemployment rate sa unang tatlong buwan ng 2016.
Batay sa survey, 39 percent ang positibo na makakalikha ng mas maraming trabaho ang pamahalaan sa susunod na isang buwan, 31 percent ang naniniwala na walang mababago sa sitwasyon samantalang 15 percent ang nagsabi na posibleng lalo pang mabawasan ang trabaho sa bansa.
Sinabi ng SWS na maituturing pa ring mataas ang positive 23 percent net optimism rate na kanilang naitala sa kabila ng mas mababa ito sa high positive 29 percent mula Oktubre hanggang Disyembre ng 2015.
By Len Aguirre