Umakyat na 10 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.
Ayon sa pinakabagong press release ng Department of Health (DOH) ngayong Linggo ng gabi, Marso 8, lumabas ang resulta ng isinagawang test kung saan 4 na bagong kumpirmadong pasyente ng COVID-19 ang kanilang naitala.
Anila, isang 38-year-old na lalaking Taiwanese ang ika-7 kumpirmadong kaso.
Wala itong history ng pagbiyahe sa labas ng bansa pero nagkaroon ng contact sa Taiwanese national na unang napaulat na nagpositibo sa COVID-19 pabalik ng Taiwan matapos bumisita sa Pilipinas.
Ang ika-8 kaso naman ay isang 32-year-old na Pilipino na bumiyahe ng Japan sa nakalipas na 14 na araw at nagsimulang makitaan ng sintomas noong Marso 5.
Isa namang 86-year-old na lalaking Amerikano ang ika-9 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas na nagsimulang makitaan ng sintomas noong Marso 1.
Sinabi ng DOH, una na itong nakararanas ng hypertension at may travel history sa U.S.A at South Korea.
Habang isang 57-year-old na lalaking Pilipino na walang travel history sa labas ng bansa pero napaulat na nagkaroon ng contact sa isang kumpirmadong nagtataglay ng COVID-19.
Dagdag ng DOH, pawang naka-admit sa mga pribadong ospital ang 4 na bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.