Bumaba ang bilang ng mga pamilyang Filipino na nakaranas ng gutom sa huling bahagi ng 2018.
Batay ito sa resulta ng isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS) sa isang libo apatnaraan at apatnapung (1,440) mga adult respondent mula December 16 hanggang 19.
Sa nasabing SWS survey, lumabas na 10.5 percent o katumbas ng tinayang 2.4 million ng mga pamilya ang nagsabing nakaranas sila ng gutom, kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan.
Mas mababa ito ng halos tatlong puntos sa nakuhang 13.4 percent o tinatayang 3.1 million na mga Filipino sa katulad na survey noong September 2018.
Sa kaugnay ding survey naitala sa 10.8 percent ang average hunger rate sa taong 2018.
Ayon sa SWS, ito na ang naitalang pinakamababang annual average rate sa loob ng labing limang (15) taon simula noong 2003 na 7 percent.
—-