Umakyat na sa tatlo ang bilang ng nasawing pasahero ng Diamond Princess cruise ship sa Japan dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa Japanese health ministry, isang 80 taong gulang na lalaking Hapon ang pinakabagong nasawing pasahero, ilang araw lamang matapos mamatay ang isang mag-asawang sakay din ng cruise ship.
Bunsod nito, nagpatawag ng pulong si Health minister Katsunobu Kato kasama ang mga eksperto ngayong araw.
Nakatakda ding bumuo ng polisiya ang Health ministry para matugunan ang COVID-19 sa Japan.
Una nang humingi ng paumanhin si Kato matapos na payagang makababa ng Diamond Princess cruise ship ang isang babaeng pasahero na kaluna’y nagpositibo sa COVID-19.
Inamin din ni Kato na nabigo silang isailalim sa kinakailangang pagsusuri ang 23 pasahero ng Diamond Princess cruise ship na kanila nang ipinababa.