Umakyat na sa 10 ang bilang ng nasawi dahil sa pag-inom ng lambanog sa lalawigan ng Quezon.
Ito ay matapos masawi ang isang kinilalang Berlito Agudo, 63 anyos na residente ng barangay Bukas sa bayan ng Pagbilao.
Idineklarang dead on arrival si Agudo nang isugod sa Quezon Medical Center sa Lucena City noong Martes, Disyembre 24, bisperas ng Pasko.
Sinasabing matapos uminom ng lambanog ang biktima noong Lunes, nakaramdam ito ng hirap sa paghinga, panlalabo ng paningin, sunod-sunod na pagsusuka at panghihina.
Ayon sa Pagbilao Municipal Police Station, hindi na matukoy ng mga kaanak ng biktima kung saang tindahan nabili ang ininom nitong lambanog.
Samantala, isa ring uminom ng lambanog sa Candelaria, Quezon ang nasawi naman noong araw ng Pasko, Disyembre 25 habang nasa Peter Paul hospital.
Kinilala itong si Melchor Macatangay na sinasabing uminom ng lambanog noong nakaraang linggo.
Samantala, dalawa pang uminom ng lambanog sa Quezon patuloy namang naka-confine sa ospital.