Umakyat na sa pitumpu (70) ang bilang ng mga batang nasawi dahil sa paglaganap ng tigdas.
Mula ito sa humigit kumulang apat na libo tatlong daan (4,300) na tinamaan ng tigdas sa buong kapuluan.
Aminado ang Department of Health (DOH) na sa nagdaang lima hanggang sampung taon, nasa pitumpu (70) hanggang walumpung (80) porsyento ang kanilang naabot sa 90 percent target nila sa measles immunization.
Gayunman, ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, kakaiba ang laki ng ibinagsak ng immunization program nila nitong 2018.
Inihalimbawa ni Domingo ang Metro Manila na nasa apatnapung (40) porsyento lamang ang nagpabakuna.
Kinumpirma rin ni Domingo na ang outbreak ng measles ay malala sa mga lugar kung saan isinagawa ang pagturok ng Dengvaxia sa mga paaralan tulad ng National Capital Region (NCR), Region 3 at Region 4-A at Region 7.
“Last year we did have an outbreak in March and April in Mindanao after the Marawi siege and then it went to Manila, so we did a supplemental immunization in Mindanao and in Metro Manila, in Mindanao the supplemental immunization was very successful we had a 90 percent target, but in Metro Manila we only got 29 percent, there was less hesitancy in Mindanao, and if we can see the results now actually Mindanao is the only region right now where the cases are going down.” Pahayag ni Domingo
Mga nagkakasakit ng tigdas covered ng PhilHealth
Ipinaalala ng PhilHealth o Philippine Health Insurance Corporation na covered nila mga gastusin sa mga magkakasakit ng tigdas.
Sa gitna ito ng idineklarang measles outbreak sa ilang mga lugar sa bansa.
Ayon sa PhilHealth, covered ng insurance ang gastusin mula P7,700 hanggang P25,700 para sa mga uncomplicated cases ng tigdas habang ang pneumonia dulot ng tigdas ay covered hanggang P15,000.
Ang confinement naman dahil sa tigdas na mayroong komplikasyon na meningitis ay sasagutin ng PhilHealth hanggang P25,700.
Matatandaang sinabi ng DOH o Department of Health na lumobo ng 550 percent ang bilang ng mga nagkakasakit ng tigdas mula Enero 1 hanggang Pebrero 6 ngayong taon.—By Rianne Briones
—-