Umabot na sa 77 ang bilang ng nasawi sa Benguet sanhi ng Bagyong Ompong.
Mahigit 50 rito ang mula lamang sa landslide na tumabon sa tunnel at chapel sa Barangay Ucab, Itogon, Benguet.
Bahagi lamang ito ng 97 death toll ng Ompong mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Chief Supt. Rolando Nana, hepe ng Philippine National Police – Cordillera Administrative Region (PNP-CAR), humigit kumulang pa sa 35 ang kanilang pinagsisikapang makuha mula sa guho.
Sinabi ni Nana na bagama’t nilimitahan nila sa 60 hanggang 100 na lamang ang kasama sa search, rescue and retrieval operations. Hindi naman ito makaka apekto sa bilis ng operasyon dahil apat na backhoe na ang kanilang gamit sa paghuhukay.
Inaasahan aniya na ngayong araw na ito ay marating na nila ang pinaka bukana ng natabunang tunnel upang makita ang mga nawawala pang residente.
Sakali anyang marating nila ang tunnel, posibleng magdeklara sila kung tatapusin na ang rescue at retrieval na lamang ng mga labi ang kanilang gagawin.
“Yung tulad nung dalawa na reported missing tapos umalis pala before nuong dumating yung bagyo. Tapos bumalik na lang nagpakita dahil siguro napagsabihan sila na missing, Sir. At may possibility din sa lakas ng ulan, lakas ng daloy ng tubig atsaka landslide din baka natangay din sila papunta duon. Dahil maganda din ang panahon kahapon atsaka hopefully ngayon. Sana mag tuloy-tuloy na dahil dalawang malalaking backhoe na ang nandoon yung isa itinutuloy yung gitna. ” Pahayag ni PNP-CAR Chief Supt. Nana.