Umakyat na sa tatlumpu’t limang (35) ang bilang ng mga namatay sa nangyaring trahedya sa Carranglan, Nueva Ecija noong Martes.
Ayon kay Francis Joseph Reyes ng Office of Civil Defense o OCD Region 2, hirap matukoy ang pagkakakilanlan ng labinlima (15) sa mga nasawi dahil sa mga pinsalang inabot sa katawan bunga ng malagim na aksidente.
Umaabot naman aniya sa apatnapu’t apat (44) ang bilang ng mga sugatang pasahero.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, overspeeding at overloading ang ilan sa mga posibleng sanhi ng aksidente.
Leomarick bus operator
Samantala, nagpakita na sa LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang may-ari ng Leomarick Bus na nahulog sa bangin sa Carranglan, Nueva Ecija na ikinasawi ng mahigit tatlumpu (30) katao.
Ipinabatid ni LTFRB Spokesperson Atty. Aileen Lizada na nangako si Leomarick Bus operator Leonardo Patulot na dadalawin ang pamilya ng mga biktima at magbigay ng tulong pinansyal.
Kaugnay nito, sinabi ni Lizada na maglalagay na rin sila ng help desk sa Nueva Ecija para magbigay ng tulong sa mga biktima ng aksidente.
Dapat lamang aniyang i-present ng mga kaanak ng biktima ang kanilang ID at birth certificate ng mga biktimang single at marriage certificate naman sa mga may asawa na.
Halos dalawandaang libong piso (P200,000) ang maximum na ibibigay sa mga naulila ng mga nasawi at mas mababa naman para sa mga nagtamo lamang ng minor injuries.
By Meann Tanbio | Judith Larino | with report from Jonathan Andal (Patrol 31)
Bilang ng nasawi sa bus tragedy sa Nueva Ecija umakyat na sa 35 was last modified: April 20th, 2017 by DWIZ 882