Apat ang kumpirmadong nasawi habang apat din ang sugatan sa matapos maka-engkuwentro ng militar ang may sampung miyembro ng BIFF o Bangsamoro Islamic Freedom Fighters – Turaife group sa bahagi ng Maguindanao nitong Biyernes.
Batay sa impormasyon mula sa 6th Infantry Division ng Philippine Army, nangyari ang bakbakan sa bahagi ng Barangay Tunggol sa bayan ng Datu Montawal sa naturang lalawigan 3:00 ng hapon sa nasabing araw.
Nakilala ang isa sa mga nasawi na si Babay Dansalan habang ginagamot sa ospital matapos paulanan ng bala ng mga terorista ang bahay ng mga residente habang tatlo naman sa mga nasawi ay mula sa mga umatakeng rebelde.
Nasugatan din sa insidente ng pamamaril ng mga rebelde sina Maula Rerenta Mangimblas at Dangalao Dangwa Akad habang dalawa rin ang sugatan sa panig ng mga rebelde na ayon sa mga sibilyan ay hinila ng kanilang mga kasamahan at isinakay sa isang motorized banca.
Nabawi mula sa mga rebelde ang iba’t ibang matataas na kalibre ng armas tulad ng m-16, m1 garand, cal.45 pistol at iba pa habang nagpapatuloy naman ang hot pursuit operations ng militar sa naturang insidente.