Lima na ang nasawi sa flashfloods dulot ng habagat sa Metro Manila.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, nadagdag sa listahan si Edgar Bugaay, 50-anyos, residente ng Riverside Street, Barangay San Antonio, Quezon City at Arjay Tasuecos ng Parañaque City na inanod mula sa Manila Bay.
Una ng narekober ang mga bangkay nina Gloria Mendoza at Gregorio Quilaton, kapwa residente ng Quezon City at Dioscoro Camacho, ng barangay Nangka, Marikina City matapos anurin ng baha.
Sa kabila ng bahagyang pagganda ng panahon, nasa animnalibo isandaang (6,100) pamilya o dalawampu’t limang libo dalawandaang (25,200) katao ang nananatili sa iba’t ibang evacuation centers sa Metro Manila.
Karamihan sa mga evacuee ay residente ng Pasig at Marikina na pinaka-matinding nalubog sa baha makaraang umapaw ang tumana river bunsod ng malakas na ulan noong Sabado.
Isinailalim naman sa state of calamity ang Marikina matapos ang mala-“Ondoy” na pagbaha na bagaman humupa ay nag-iwan naman ng sangkaterbang putik at basura.
Samantala, tinaya naman sa isanlibo walondaang (1,800) katao ang nasa evacuation centers sa Quezon City; nasa animnaraan pitumpu (670) sa Camanava area at animnaraan (600) sa Tondo, Maynila.
—-